Umiiyak ang mga kababaihan ng Jesusalem sa harapan ng bilanggong hinatulan ng kamatayan si Jesus. Subalit, hiniling ni Jesus na ibaling nila ang pagtingin sa kanilang mga sarili. Ang kamatayan ni Jesus ay gawa ng isang lipunang nakapinid ang pinto sa mga biyaya ng Diyos, itinakwil ang salita ng kaligtasang dala ni Jesus. Ang kanyang mga salita sa mga kababaihan ay minsang naging isang banta at panawagan ng pagbabalik-loob. Banta, sapagkat ang sinumang tumanggi sa grasya ng Maykapal ay naghahanap ng sariling kamatayan. Isang panawagan sa pagbabalik-loob dahil hindi imposible ang pagbabago, ang pagtanggap sa salita ng Diyos, pagsasabuhay nito at pakikiisa sa pagpupunyaging itatag ang paghahari ng Diyos dito sa sandaigdigan.
Pagninilay:
Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang kahirapang dinaranas ng nakararaming tao sa aking bansa. Syempre ang agad kong reaksyon tungkol dyan ay malungkot at maawa. Ngunit sana'y hindi lamang ito tumigil sa awa. Sana ay magsikap tayong higitan pa ang pagtulong sa pamamagitan ng pagtingin sa "bigger picture" o kaya ang ugat ng kahirapan. Tinatawag ang bawat isa sa atin na magsagawa ng mga kongkretong pagbabago at solusyon para sa mga mahihirap nating mga kababayan. Sa punto ng aking pananalangin ito ang mensahe sa akin ng Panginoon. Parang napakahirap gampanan ng ganitong tungkulin. Patnubayan nawa sana ako ng Panginoon. Amen.
No comments:
Post a Comment